MGA PANGASINENSE HINIKAYAT NA MAGHANDA NG GO BAG EMERGENCY KIT BAGO ANG SAKUNA

Naglabas ng listahan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan hinggil sa mga kailangang lamanin ng Go Bag Emergency Kit na dapat nakahanda bago pa man ang anumang emergency.

Ang paalalang ito ay inilabas kasabay ng paggunita sa International Day for Disaster Risk Reduction, na napapanahon sa sunod-sunod na pagyanig na naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Batay sa listahan, dapat may laman ang Go Bag ng de-lata, maiinom na tubig, ready-to-eat snacks, at first aid kit na may gamot, ointment, at alcohol.

Kabilang din dito ang mga toiletries, flashlight, radyo, kumot, at ekstrang baterya na magagamit kapag walang kuryente.

Mainam na tumagal ng hanggang tatlong araw ang mga suplay sa loob ng emergency kit ng bawat pamilya.

Kaugnay nito, ilang Pangasinense ang nanawagan na magmula sa pamahalaan ang nasabing kit dahil hindi umano lahat ay may kakayahang makabili nito.

Naungkat ang usaping ito matapos mapabalitang ilang lokal na pamahalaan sa bansa ang nagsuplay ng emergency bag sa bawat kabahayan.

Sa kabila nito, nananatiling paalala ng provincial government ang kahalagahan ng maagap na paghahanda at pagkakaroon ng mga kagamitang madaling makuha sa oras ng pangangailangan.

Facebook Comments