Hinikayat ng hanay ng kapulisan ang mga Pangasinenses ang agarang pagsangguni sa awtoridad sakaling makatuklas ng mga ilegal na droga partikular sa mga baybayin ng lalawigan.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, sakaling makakita, huwag pakialaman at gamitin ang mga ito, kung saan ang paglabag dito ay may karampatang kaparusahan.
Matatandaan na mayroon nang sunod sunod na naging insidente ng floating shabu na natagpuan ng mga mangingisda sa mga baybayin sa Western Pangasinan maging sa iba pang karatig probinsya, kung saan umabot sa bilyong piso ang halaga nito.
Kasabay nito, hinikayat din ang publiko na pangalagaan at makiisa sa pakikipaglaban sa usapin ng West Philippine Sea, sa gitna ng muling tumitinding tensyon sa pagitan ng bansa at Tsina.
Samantala, sakaling makatagpo ng mga hinihinalang kontrabando sa mga karagatang sakop ng lalawigan, mangyari lamang umanong ipagbigay-alam agad sa kinauukulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





