Mga pangunahing may-akda ng pag-institutionalize ng UP-DND accord, ipinapadeklarang null and void ang mosyon na bawiin ang pagkakaapruba rito sa 3rd and final reading

Sumulat kay House Speaker Lord Allan Velasco ang principal authors ng House bill 10171 o panukala para i-institutionalize ang University of the Philippines-Department of Defense (UP-DND) accord upang tutulan ang pagbawi sa pagpapatibay ng panukala.

Nakasaad sa liham ni Quezon City Rep. Kit Belmonte at ng Makabayan bloc na labag sa itinatakda ng House Rules ng 18th Congress ang “motion for reconsideration” ni Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin “Boying” Remulla na bawiin ang approval ng panukala.

Salig anila sa section 106 ng House Rules, maaari lamang magkaroon ng mosyon sa reconsideration ng inaprubahang panukala, report o motion sa mismong araw na ito ay inaprubahan o sa kasunod na session day.


Mababatid na September 21 nang lumusot sa 3rd at final reading ang panukala sa botong 179 na yes at walang pag-tutol at sa sumunod na araw, September 22, ay natanggap naman ito ng Senado.

September 30 naman bago magrecess nang i-mosyon ni Remulla na bawiin ang approval ng panukala.

Dahil dito, 5 session days na anila ang lumipas sa pagitan ng pakaka-apruba nang i-mosyon na ito ay bawiin.

Bunsod nito ay pinapadeklara ng mga kongresista na “null and void” o walang bisa ang nasabing mosyon ni Remulla.

Inaabangan pa ang magiging tugon dito ng speaker.

Facebook Comments