Mga panibagong phishing scam, dapat aksyunan agad ng mga otoridad

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa mga awtoridad na maging mapagbantay sa mga panibagong pamamaraan ng panlilinlang sa mga konsyumer sa pamamagitan ng mobile at online transactions.

Kabilang sa pinapakilos ni Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Privacy Commission (NPC).

Ang hakbang ni Gatchalian ay kasunod ng mga balita sa bagong paraan ng panloloko sa pamamagitan ng text na magpadala ng pera gamit ang credit card o kaya ay panggagaya sa official SMS account ng isang online selling app.


Sabi ni Gatchalian, kagaya ng email phishing, ang mga scammers ay nagpapadala rin ng mapanlinlang na text messages at ang makakatanggap nito ay bibigyan ng link na kapag nabuksan ay maaaring makuha ang mga personal na impormasyon nila.

Malinaw, ayon kay Gatchalian, na nagiging malikhain na rin ang mga scammers bunga ng mabilis na mga pagbabago sa teknolohiya nitong mga nakalipas na taon.

Dahil dito ay muli ding iginiit ni Gatchalian na ang mga ganitong aktibidad ay muling nagpapatunay ng pangangailangan ng pagpaparehistro ng subscriber identity module o SIM cards sa bansa na syang itinatakda ng inihain nyang Senate Bill No. 176.

Facebook Comments