Mga Panindang Construction Supplies, Dapat may Price Tag-DTI Isabela

Cauayan City, Isabela- Inatasan na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mga may-ari ng hardwares na maglagay ng price tag sa mga panindang construction materials kasunod ng mga natanggap na reklamong masyadong nagmahal ang presyo nito simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, Provincial Director ng DTI Isabela, nagsagawa na ng price and supply monitoring ang kanyang pamunuan sa mga malalaking tindahan at hardwares sa iba’t-ibang lugar sa Lalawigan bilang bahagi ng kanilang weekly monitoring.

Ilan aniya sa kanilang namonitor ay ang pagtaas ng presyo ng ilang prime commodities sa Lalawigan gaya ng mga construction materials na karamihan din sa kanilang mga natatanggap na reklamo.


Kaugnay nito, inisyuhan na ng DTI Isabela ng Letter of Inquiry (LOI) ang mga hardware owners na napatunayang nagtaas ng kanilang presyo at kasabay nito ay inatasan na rin ang mga may-ari na maglagay ng price tag sa mga panindang construction supplies.

Ito’y para malaman agad ng mamimili kung magkano ang presyo ng mga ito at para na rin aniya sa ‘transparency’.

Ayon pa kay Ginoong Singun, sakaling walang makitang nakalagay na price tag sa mga construction materials ay maaaring kunan ng litrato at ipadala sa kanilang facebook page (DTI Isabela) o isumbong sa kanilang tanggapan.

Samantala, iginiit ni Ginoong Singun na ang alak o anumang nakalalasing na inumin ay hindi kabilang sa basic necessities at prime commodities kaya’t hindi aniya maaaring isali sa price freeze o sa Suggested Retail Price (SRP).

Kasunod rin ito ng kanilang mga natatanggap na sumbong mula sa mamamayan na masyado ng mahal ang presyo ngayon ng mga alak.

Kanyang sinabi na nasa local government unit na kung magbibigay ng kautusan para sa usapin ng mga nakalalasing na inumin.

Facebook Comments