Mga pantalan na pinangangasiwaan ng PPA sa buong bansa, mas pinaigting pa ang seguridad sa paparating na Mahal na Araw

Todo na ang ginagawang pagpapaigting sa seguridad ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pantalan sa buong bansa para sa paparating na Semana Santa ngayong taon.

 

Ayon sa PPA, kanilang tinutukan ang paglalagay ng mga Help Desk na nakahandang tumulong sa pangangailangan ng mga sasakay at bababang pasahero sa mga barko.

 

Tuloy din ang pagpapatupad ng PPA ng sistema tulad ng ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki umano ang naitulong sa daloy ng mga sasakyan at maiwasan ang problema ng fixing.


 

Kasunod nito kanya-kanyang preparasyon ang bawat Project Management Office (PMO) upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.

 

Ilan dito ang paglalagay ng mga directional signages, tents, paglalagay ng mga fast lanes para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis at may mga dalang bata.

 

Inaasahan na aabot sa 2 milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa.

 

Ito’y mas mataas kumpara sa datos noong nakaraang taon na umabot sa higit sa 1.8 milyon.

Facebook Comments