Itinakda na ni Senate Labor Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada sa May 10 ang pagdinig tungkol sa panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribado at iba’t ibang sektor.
Ayon kay Estrada, bagama’t hindi maihahabol kasabay ng Labor Day celebration ngayong taon ang panukalang legislated wage increase, makakaasa pa rin ang publiko na gugulong na sa Senado ang mga panukalang inihain tungkol dito.
Kabilang sa mga tatalakayin ang panukala ni Senate President Juan Miguel Zubiri na Senate Bill 2002 o ₱150 across-the-board wage hike sa buong Pilipinas.
Kasama rin aniya sa mga tatalakayin ang panukalang amyenda sa Wage Rationalization Act para taasan ang mga parusa sa mga hindi susunod sa mga itinakdang pagtaas at pagsasaayos ng wage rates ng mga manggagawa.
Dagdag pa ng senador na sa ikakasa nilang pagdinig ay pakikinggan ang lahat ng mga komento at suhestiyon mula a tripartite sectors kabilang ang labor, employer at ang pamahalaan.