Isinusulong sa San Fabian, Pangasinan ang pagpasa ng tatlong panukalang ordinansa na layong pagtibayin ang digital governance at gawing mas moderno ang sistema ng lokal na pamahalaan.
Tinalakay ang mga panukala sa isang public hearing na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang civil society organizations, mga opisina ng lokal na pamahalaan, barangay, at Department of Education.
Kabilang sa tinalakay na panukala ang ordinansang magsasabatas ng digital governance sa munisipalidad, ang unti-unting pagpapatupad ng cashless at paperless transactions, at ang pagbuo ng Information and Communications Technology Code na magtatakda ng mga layunin, patakaran at tungkulin para sa pagpapatupad ng mga programang pang-digital.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng mga panukalang ito na pag-ibayuhin ang paggamit ng teknolohiya sa operasyon ng lokal na pamahalaan at mapahusay ang paghahatid-serbisyo sa mga residente.









