Mga panukala para sa ligtas na pagbabalik sa klase, hiniling na suportahan ng DepEd

Hiniling ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa Department of Education (DepEd) na suportahan ang pagpapatibay sa ‘twin bills’ para sa ligtas na full face-to-face classes sa Nobyembre.

Napuna ng kongresista na hindi ikinunsidera sa timeline ng DepEd ang pagsiguro na may kakayahan ang mga paaralan na makasunod sa transition o pagpapalit mula sa online at blended learning pabalik sa face-to-face classes.

Nilinaw ni Manuel na hindi nila pinipigilan ang pagbabalik sa 100% na face-to-face classes ng mga paaralan bagkus ay nais lamang ng Kabataan Party-list na matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mga estudyante gayundin ang pagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa gitna pa rin ng pandemya.


Giit ng kongresista, hindi dapat ipapasan sa mga guro, mga magulang at sa mga mag-aaral ang bigat sa paghahanda sa mga paaralan.

Hiling nila sa DepEd na suportahan ang pag-apruba sa House Bill 251 o Safe School Reopening Bill at House Bill 252 o Student Aid Bill upang mabigyan ng sapat na pondo at magkaroon ng malinaw na guidelines para sa ligtas na balik-eskwela.

Sa ilalim ng Safe School Reopening Bill, mangangailangan ng ₱122.4 billion para sa pagsasaayos sa mga paaralan na akma sa pagtugon sa safety at health measures laban sa COVID-19 habang ang “Student Aid Bill” naman ay pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga mag-aaral para makaagapay sa mga pangangailangan sa pagbabalik eskwelahan.

Facebook Comments