Umapela si Senator Ramon Revilla Jr., na madaliin ang pagpapatibay sa mga panukala para sa kapakanan ng mga guro kasabay ng pagdiriwang ng World Teacher’s Day.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization and Professional Regulation, inihain ni Revilla ang Senate Bill No. 22 na naglalayong mabigyan ng teaching supplies allowance ang mga public school teachers.
Dagdag din sa panukala para sa mga teachers ang Senate Bill No. 267 na naglalayong mapataas ang sahod ng mga pampublikong guro mula sa Salary Grade 11 o ₱25,439 hanggang Salary Grade 15 o ₱35,097 upang mapagaan pa ang kanilang buhay.
Iginiit ni Revilla na bahagi ng kabayanihan ng mga guro ang labis na pagtitiis dahil sa mababang sahod at pagsasakripisyo para mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga bata.
Sinabi ng senador na bayaning maituturing ang mga guro dahil sa paggabay sa kabataan para magkaroon ng direksiyon ang kinabukasan at humuhubog para mapanatili ang kapayapaan at demokrasya sa bansa.