Nanawagan si Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na sertipikahang “urgent” ang mga panukalang batas na nagsusulong ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.
Sabi ni Brosas, dapat maipatupad na agad ang across the board wage increase sa harap ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at lumalalang krisis sa ekonomiya.
Hiling ni Brosas sa gobyerno, gumawa ng kongkretong hakbang para matugunan ang hirit na umento sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Umapela rin si Brosas sa Mababang Kapulungan na iprayoridad ang mga panukala na nagsusulong ng wage increase kung saan ang pinakahuling inihain ay ang 150 pesos across the board wage increase para sa mga empleyado sa pribadong sektor.
Si Brosas naman ay may inihain ding House Bill 7568 para sa ₱750 across-the-board and nationwide wage increase sa mga manggagawa rin sa pribadong sektor.