Nangako si Senate President Chiz Escudero na sesentro ang Senado sa paglikha ng mga batas na magpapagaan sa pasanin ng mga overworked at underpaid na mga Pilipino.
Sa pagbubukas ng sesyon kaninang alas-10:00 ng umaga, nanawagan si Escudero sa kanyang talumpati na unahin ng Senado ang pagtugon sa mga agarang pangangailangan at hamon na kinakaharap ng mga publiko.
Tinukoy ni Escudero na ang ating mga kababayan ay sobra-sobra na sa pagtatrabaho, kulang ang natatanggap na sahod at napakabigat na ng mga pinapasan.
Kasabay nito ang pagkwestyon ng Senate President ng kawalan ng lehislasyon na layong pagbutihin ang mahahalagang aspeto ng pangaraw-araw na buhay ng mga Pilipino tulad sa pagpapadali ng commuting, edukasyon at mabilis na paghahanap ng trabaho, healthcare para sa mga maysakit, mabilis na pagkamit ng hustisya at pagkain para sa bawat pamilya.
Samantala, inihayag din ni Escudero na hindi prayoridad ng Senado ang Charter Change at isasantabi ang mga panukalang maghahati lamang sa publiko.
Aniya, bahagi pa rin ng tatalakayin ang Cha-cha pero kailangang dumaan ito sa normal na proseso ng pagpapasa ng panukalang batas.