Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na magiging mabilis na lamang ang pagdinig sa mga panukalang naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress.
Paliwanag ni Romualdez, gagamitin nila ang Section 48 ng House rules kung saan isang pagdinig na lamang ang isasagawa sa komite at agad na iaakyat ito sa plenaryo.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi malabong maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang mga panukala sa huling linggo ng Agosto o unang linggo ng Setyembre basta’t mayroong quorum at mayorya ng mga kongresista ang papabor.
Dahil dito, kampante si Romualdez na maipapasa agad ang 12 sa 26 na priority measures na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA na naunang naipasa na rin noong 17th Congress.
Kabilang na rito ang National Land Use Act, Department of Disaster Resilience, Coconut Levy Fund, TRABAHO Bill, pagpapataw ng buwis sa alak, Government Rightsizing Bill at Mandatory ROTC para sa Grades 11 at 12.
Umaasa siyang sa unang linggo pa lang ng Agosto ay tapos na ang committee reports ng mga inihaing panukala para maisalang na sa deliberasyon sa plenaryo at maaprubahan agad ang mga ito.