Mga panukalang batas para sa kabataan, inihain sa Kamara kasabay ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan

Kasabay ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan o Youth Week, mula August 12 hanggang 17, ay naghain si Quezon City Fifth District Rep. PM Vargas ng mga panukalang batas na para sa kapakanan ng mga kabataan.

Una rito ang House Bill 3517 o panukalang Human Rights Education Act na nag-aatas ng pagtuturo ng Comprehensive Human Rights Education sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan para maipaunawa sa mga estudyante ang kanilang karapatan, paano mapoproteksyunan ang kanilang sarili, at maitataguyod ang karapatan ng kanilang kanilang kapwa.

Inihain din ni Vargas ang House Bill 3519 o panukalang Social Media Education Act na magtuturo kung paano maging responsable at ligtas ang mga kabataan sa paggamit ng social media.

Kasunod dito, isinulong din ni Vargas ang House Bill 3516 o panukalanag Compulsory Voter Education Act na maghahanda sa mga kabataan sa makabuluhan at responsableng paglahok sa demokratikong proseso ng halalan.

Binigyang diin ni Vargas na sa pamamagitan ng nabanggit na mga panukalang batas ay masisiguro na ang bawat kabataang Pilipino ay maalam, maingat, at may pananagutan sa kanilang mga desisyon.

Facebook Comments