Inaprubahan ng House Committee on Welfare of Children ang pinagsama-samang mga panukala na magpapataw ng mas mabigat na parusa na hanggang habambuhay na pagkakulong sa sinumang lalabag sa batas na nagbibigay proteksyon sa mga kabataan.
Layunin ng panukala na palakasin ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act o RA 7610 upang mahadlangan ang child abuse.
Ayon sa chairman ng komite na si BHW Party-list Angelica Natasha Co, tugon ang mga panukala sa tumataas na kaso ng pag-abuso sa mga kabataan sa ating bansa.
Tinukoy ni Co ang Child Protection Data na mula January 1 hanggang April 30 ngayong taon ay nakapagtala ng 3,129 kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Nagpahayag din ng suporta sa panukala ang Department of Social Welfare and Development o DSWD kaakibat ang hiling na mabigyan ng sapat na pondo ang mga local council para sa proteksyon ng mga bata.