Mga panukalang inaprubahan ng Senado at naging batas, mapapakinabangan ng bawat Pinoy – Sotto

Mapapakinabangan ng husto ng bansa at ng bawat Pilipino ang mga batas na inaprubahan ng Senado.

Ito ay kasabay ng pag-adjourn ng Senado sa huli nitong sesyon sa 17th Congress.

Sa kanyang valedictory speech, sinabi ni Senate President Tito Sotto III na ang mga isinulong nilang panukala na naging batas ay patunay na inihahatid nilang mga senador ang kanilang pangakong ipasa ang mga batas na makakatulong sa bansa.


Iginiit din ni Sotto ang pagiging independent ng tatlong sangay ng gobyerno: ang ehekutibo; lehislatura at hudikatura.

Aniya, aabot sa 464 bills ang nilagdaan bilang batas.

Kabilang na rito ang Bangsamoro Organic Law, National ID System, Universal Health Care Law, Mental Health Act, Universal Access to Quality Tertiary Education, Mandatory PhilHealth Coverage sa mga persons with disabilities, Corporation Code of the Philippines, Telecommuting Law, Magna Carta of the Poor at ang Pantawid Pamilya Pilipino Program Act.

Pero may ilang panukala ang hindi nakapasa sa Senado kahit sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang mandatory ROTC, pag-amyenda sa Public Services Act at Foreign Investments Act.

Hindi rin umabot sa plenaryo ang panukalang ibaba ang minimum age of criminal responsibility.

Ang mga nakabinbing panukala ay kailangang ihain muli sa 18th Congress para matalakay sa committee level.

Facebook Comments