Tatlong araw bago ang pagsisimula ng campaign period, inilatag ng Commission on Elections (Comelec) ang mga panuntunan para sa mga campaign materials ng kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Sa inilabas na Comelec Resolution ngayong araw, mahigpit na ipinagbabawala ang paglalagay ng billboards, posters, tarpaulins at individual posters sa common poster na lalagpas sa sukat na 2×3 feet.
Bawal din ang paggamit ng campaign o propaganda materials na lalabag sa gender sensitivity principles, malaswa, at discriminatory, gayundin ang mga poster o tarpaulin na walang nakasulat na “Political advertisement paid for/by.”
Samantala, pinapayagan naman ang pangangampanya sa telebisyon, radyo, newspaper, internet, o social media sa ilalim ng regulasyon at panuntunan ng Comelec.
Para sa naman sa mga lalabag na kandidato, magpapadala ang poll body ng Notice to Remove at Show Cause Order.
Magsasagawa rin ng Operation Baklas ang Comelec sa mga campaign materials na nakapaskil sa mga hindi otorisadong lugar mula October 20 hanggang October 27, 2023.
Hindi naman kasama sa operasyon ang mga common poster area tulad ng plaza, pamilihan, barangay centers, at iba pang katulad na lugar.
Tatagal ang campaign period ng 10 araw mula October 19 hanggang 28, 2023.