Inilatag ng Korte Suprema ang mga panuntunan at proseso sa idaraos na pilot bar exams sa katapusan ng buwang kasalukuyan.
Ang mock bar examinations ay bilang paghahanda sa kauna-unahang digitalized at localized bar exams sa Nobyembre.
Sa 15 pahinang Frequently Asked Questions (FAQ) na inilabas ng Supreme Court (SC), nakasaad dito na isasagawa ang pilot bar exams sa Ateneo de Manila Professional Schools, St. Louis University, University of Cebu, at Ateneo de Davao University.
Ang morning exam ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali habang ang afternoon exam ay mula alas- 2 ng hapon hanggang ala-6 ng gabi.
Tinukoy rin ng SC na ang testing program na examplify ang gagamitin at idinetalye ang kailangang software specifications ng laptop ng mga lalahok sa pagsusulit.
Nilinaw ng SC na gagamit lang ng internet connection sa simula ng eksaminasyon para i-download ang exam files at sa huli para i-upload ang kanilang finalized answers.
Ayon sa SC, hindi kailangan ng internet connection habang sinasagutan ang pagsusulit.
Bukod sa pagsusuot ng face mask at face shield, kailangan na makapagpakita ang mga participants ng negatibong resulta ng kanilang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o Antigen test sa araw ng pilot bar exams.
Pinayuhan din ang mga lalahok na mahigpit na mag-quarantine sa loob ng 10 araw pagkatapos ng eksaminasyon at agad na iulat sa Office of the Bar Chairperson kung sila ay nagkaroon ng sintomas ng sakit.