Mga panuntunan sa ipapatupad na GCQ with Alert Levels System, pinaplantsa pa

Hindi pa ganap na handa ang mga guidelines at hindi pa rin ito naipamamahagi sa mga mag-iimplementa ng General Community Quarantine (GCQ) with Alert Levels System.

Ayon kay National Task Force (NTF) Spokesperson Restituto Padilla, ito ang dahilan kung bakit pinalawig muna ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) hanggang September 15, 2021.

Aniya, sa naging pulong nila kahapon kasama ang mga alkalde sa Metro Manila, marami pang mga tanong ang lumutang kaugnay sa mga panuntunan.


Dagdag pa niya, kailangan munang maplantsa ang mga ito bago maipatupad.

Para naman sa mga negosyong naapektuhan ng biglaang pagpapalawig ng MECQ sa rehiyon, umaapela ng pang-unawa ang opisyal dahil kaunting panahon na lamang aniya ay maisasapinal na ang mga guidelines.

Nagsisilbi na rin aniya itong tulong sa mga medical frontliners lalo’t napupuno na ang hospital capacity sa bansa.

Facebook Comments