Mga panuntunan sa live coverage sa Maguindanao massacre case promulgation, pina-plantsa na ng Korte Suprema

Isinasapinal na ng Supreme Court Public Information ang mga panuntunan para sa live coverage ng promulgasyon sa  Maguindanao massacre case sa December 19.

 

Ayon kay SC PIO Chief Atty Brian Keith Hosaka, naglatag sila ng mga panuntunan para sa live broadcast ng nasabing court proceedings dahil sa isyu ng seguridad at limitadong espasyo sa loob ng korte sa camp bagong diwa.

 

Ilalabas anya nila ang written guidelines para sa media coverage ng Maguindanao massacre case ruling sa loob ng linggong ito.


 

Nakatakda ring makipagpulong ang Supreme Court PIO sa pamunuan ng BJMP at NCRPO para plantsahin ang iba pang detalye ng panuntunan.

 

Sa inisyal na guidelines na inilatag ng Korte Suprema, dalawang cameras lang mula sa government channel na PTV 4 at sa SC PIO ang papayagan sa loob ng court room.

 

Limitado rin sa wide angle shots ng judge at ng mga partido sa kaso ang pwedeng kunan ng PTV cameras.

 

Bawal din ang pag-zoom in ng camera sa mga mukha ng sinuman na nasa korte.

 

Mahigpit din na ipagbabawal ang pagdadala ng cellphone at alinmang audio and video recording device at gadget sa loob ng hukuman.

 

Walang media personnel din na papayagan at bawal din ang pagiinterview ng loob ng aktuwal na court room.

 

Ang mga accredited media personnel ay papasukin lang sa  itatalagang media room sa loob ng bjmp compound kung saan mayroong wide screen monitors.

 

Dahil sa bawal ang ibang cameras sa loob, inatasan ng SC ang PTV 4 na pahintulutan ang iba pang tv networks na makapaghook up sa kanila para makakuha ng live feed ng promulgasyon.

 

Aabot sa apatnaraan hanggang limangdaan katao ang nasa loob ng Quezon City jail annex sa araw ng promulgation

 

Kabuuang 101 akusado ang hahatulan sa December 19, kabilang na  sina Datu Andal Unsay Ampatuan Jr., ang kapatid niyang si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan at dating Maguindanao OIC Governor Sajid Ampatuan.

Facebook Comments