Nirebisa ng Korte Suprema ang guidelines para sa oral arguments sa mga petisyon laban sa Anti- Terror Law na gaganapin sa Enero 19.
Sa revised guidelines na inilabas ng Supreme Court, sinabi na mayroon nang tig-45 minuto ang kampo ng mga petitioners at respondents para iprisinta ang kanilang argumento mula sa dating 30 minuto.
Walong presenting lawyers lamang mula sa panig ng petitioners ang papayagang pisikal na humarap at magsalita sa oral arguments.
Kung wala sila sa walong presenting lawyers ay isang abogado lamang bawat petisyon ang papahintulutang dumalo ng pisikal sa oral arguments at kinakailangang magsumite sila ng manifestation sa Enero 13.
Sa panig naman ng mga respondents, hindi dapat lalagpas sa tatlong abogado ang pwedeng isama ni Solicitor General Jose Calida para makatuwang sa oral arguments.
Kaugnay nito, inatasan din ng Supreme Court ang mga dadalo na magsumite ng negatibong resulta ng kanilang RT- PCR test 72 oras bago ang oral arguments.