Sa harap ng pag-rollout ng vaccination program ng gobyerno, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas ang kanilang Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para i-monitor ng mabuti ang social media laban sa mga nagbebenta ng pekeng bakuna.
Sa ngayon, ayon sa opisyal ay wala pa naman silang nahuhuli na nagbebenta ng mga pekeng bakuna maliban na lang sa mga pekeng test kit na nahuli nilang binebenta kamakailan.
Nanawagan naman si Sinas sa publiko na huwag tangkilikin kung may makitang magbebenta ng bakuna online at ugaliing magpakonsulta muna sa doktor sakaling may maramdaman sa katawan.
Sa ngayon tanging mga may Emergency Use Authorization (EUA) lang na bakuna mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang pinapayagang makapasok sa bansa.
Sa kasalukuyan tanging Pfizer BioNtech, AstraZeneca at Sinovac pa lang ang mayroon ito.
Pero wala pang bakuna na pinahihintulutang ibenta dahil wala pang “market authorization” ang mga ito.