Naglatag ng mga paraan si Senator Panfilo Lacson upang makontra ang ideyang pag-aarmas sa mga sibilyan upang mapigilan ang krimen sa bansa.
Kasunod ito ng mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga civilian organization na katulong ng pulisya sa pagsugpo sa krimen.
Ayon kay Lacson, imbes na gawin ito ay mas mabuting magpatupad na lamang ng mas mahigpit na panuntunan sa paggamit ng baril.
Isa na rito ang pagbabalik ng armas sa kanilang mga units o supply officer kapag naka-off duty at ang hindi pagpapahintulot sa Permits to Carry Firearms Outside Residences (PTCFORs) kung aktibo pa sa serbisyo ang pulis.
Iginiit naman ni Lacson na dapat magsilbi nang aral sa mga pulis ang mga insidenteng sangkot ang mga naka-off duty kung saan marami na ang natanggal sa serbisyo at naharap sa kaso.
Kasabay nito, ilang Senador at grupo naman ang nagpahayag ng komento sa mungkahing ito ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa kanila si dating PNP Chief at Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nagsabing maliban sa walang magiging dagdag na gastos dito ang pamahalaan ay mapapanatili pa ang kaayusan at katahimikan sa bansa.
Nagpahayag naman ng pagtutol si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio Evangelista sa ideya dahil giit nito posibleng lumakas pa ang loob ng mga kabilang sa organisasyon na gumawa ng krimen.