Pinabibigyan ng Senado ng kaparehong insentibo ang mga Paralympian na nakapag-uwi rin ng karangalan sa bansa tulad sa mga national athlete.
Sa Senate Bill 1442 na inihain ni Senator Jinggoy Estrada, pinaamyendahan ang Section 8 ng Republic Act 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” kung saan ipina-i-i-institutionalize ang pantay na cash incentives sa pagitan ng mga national athlete at mga atletang may kapansanan na parehong nag-uwi ng karangalan at nagpamalas ng determinasyon at husay sa larangan ng sports.
Sa ilalim ng panukala, ang mga Paralympian na nakasungkit ng ginto, pilak at bronze medals sa Summer at Winter Olympics ay pinabibigyan ng P10 milyon, P5 milyon at P2 milyon na cash incentives.
Sa kasalukuyan kasing batas, kalahati lang sa mga nabanggit na insentibo ang ibinibigay ng pamahalaan sa ating mga Paralympian.
Kasama rin sa isinusulong ang pagbibigay ng P2 milyon sa gold medalists sa Asian Para Games at ipinatataas sa P300,000 mula sa kasalukuyang P150,0000 ang incentive para sa makakapagkamit ng gintong medalya sa ASEAN Para Games.
Pinadodoble rin ang cash incentives sa mga silver at bronze medalists sa Asian Para Games at ASEAN Para Games.