Mga paratang ni Pacquiao laban sa ilang ahensya ng gobyerno, “hilaw” – PACC

“Hilaw” ang mga paratang na korapsyon ni Senador Manny Pacquiao laban sa ilang ahensya ng gobyerno.

Paliwanag ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, hindi pa kapani-paniwala sa ngayon ang mga akusasyon ng senador dahil nauna pa ang konklusyon nito bago ang imbestigasyon.

“Hindi ho pu-pwedeng maging conclusive ang statement until it has come through an investigation including yung ebidensya, yung mga akusado ay natanong at nasagot na. Wala pa ho sa ganong proseso e, yun ang problema doon sa statement,” saad ni Belgica.


“Dalawa kasi ang korapsyon e, mayroong totoo, merong chismis, it has to be addressed.”

Muling iginiit ni Belgica na handa nlang imbestigahan ang mga akusasyon ni Pacquiao sa DOH, DSWD at DOE oras na makapagbigay ito ng mga dokumento.

Kasabay nito, ipinagmalaki ng PACC na 13,000 reklamo na ang kanilang naaksyunan kung saan 157 na ang nasampahan nila ng kaso sa Ombudsman, 45 high-ranking government officials na ang nasibak sa pwesto habang 21 na ang kanilang naipakulong dahil sa korapsyon.

Ayon naman kay Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), anumang pasabog na alegasyon ay dapat sabayan ng ebidensya para masigurong makukulong ang sinumang sangkot sa katiwalian.

“Dun sa naglalabas ng ganyang pasabog o alegasyon eh, sundan naman nila ng ebidensya. Kasi, sawang-sawa ang taumbayan sa mga alegasyon at imbestigasyon na wala namang patutunguhan,” ani Cayosa.

“Suportahan nila ng mga dokumento, mga ebidensya hanggang sa makulong kung sinuman ang nagkasala,” dagdag ni Cayosa sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments