Inihayag ng mga lider ng iba’t ibang partidong pulitikal sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang buong suporta sa puspusang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) kay Pastor Apollo Quiboloy at kanyang mga kapwa akusado sa mga kasong sexual abuse, child abuse, at qualified human trafficking.
Kabilang sa nabanggit na mga partido ang Partido Federal ng Pilipinas na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Lakas-Christian Muslim Democrats, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party at National Unity Party.
Ang lider ng naturang mga partido ay lumagda sa isang joint statement na nagsasaad ng suporta sa pagtupad ng PNP sa legal na tungkulin.
Nakapaloob din sa joint statement ang kahalagahan ng pambansang pagkakaisa, at pagpapanatili ng kaayusan, at pagrespeto sa karapatan ng bawat indibidwal.
Inilabas ng Alyansa ang pahayag sa gitna ng umiinit na tensyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City na pinasok ng mga pulis upang maisilbi ang warrant of arrest kay Quiboloy.