Mga partido sa Writ of Kalikasan Petition, nagkasundong ibasura ang kaso

Nagkasundo ang mga partido ng Writ of Kalikasan petisyon na ibasura na lang ang kaso kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Sa inihaing manifestation at motion ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court en banc kinumpirma nitong nagkasundo ang mga petitioner at respondent ng petisyon na i-withdraw ang kaso.

Kalakip nito ang affidavit ng 19 na mangingisda mula Palawan at Zambales na nagsabing wala silang kinamalan sa petisyon.


Nag-presinta pa ng video footage ukol dito si Calida.

Ayon pa kay Calida – ipinaabot ng mga mangingisda kay Captain Angare, legal officer ng Naval Forces West Palawan ang kanilang pagkagulantang nang malaman nila sa balita na naghain daw sila ng kaso laban sa pamahalaan .

Nagpasaring naman si Calida sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na siyang nanguna sa petisyon.

Nanindigan naman si Atty. Chel Diokno, abogado ng mga mangingisda na walang halong pulitika ang kanilang petisyon.

Sa Biyernes, maghahain ng joint motion ang mga petitioner at respondent para sa pormal na pagbabasura sa Writ of Kalikasan.

Facebook Comments