Epektibo simula bukas ika-5 ng Setyembre ang price ceiling na 41 pesos kada kilo sa regular milled at 45 pesos kada kilo naman sa well-milled na bigas.
Kaya naman idinetalye ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga parusang kakaharapin ng mga lalabag sa price ceiling batay na rin sa nakasaad sa Sections 15 at 16 ng Republic Act No. 7581 o Price Act.
Makukulong sa loob ng limang taon at hihigit sa 15 taon at magbabayad ng multang 5000 piso hanggang hindi bababa sa 2 milyon ang sinumang mapapatunayang ilegal na nagmamanipula ng presyo ng anumang basic o prime commodity katulad ng bigas.
Mapaparusahan naman ng 1 taon hanggang hindi hihigit sa 10 taon at magmumulta ng 5000 hanggang hindi hihigit sa isang milyong piso ang sinumang mapapatunayang lalabag sa probisyon ng Price Act para sa price ceiling.
Matatandaang nakaraang linggo nang aprobahan ni Pangulong Marcos ang rekomendasyon na magpataw ng price ceilings sa bigas sa buong bansa o Executive Order No. 39.
Ito ay para matiyak ang rasonableng presyo at accessible na pagkain sa mga Pilipino sa harap ng nakaaalarmang taas sa retail prices nito sa mga palengke.