MGA PASAHERO NG MOTORBOAT SA DAGUPAN CITY, “DOUBLE STRUGGLE” SA BYAHE DAHIL SA TULOY-TULOY NA PAG-ULAN

Double struggle umano ang nararanasan ngayon ng mga pasahero ng motorboat sa mga Island Barangay sa Dagupan City para lamang makatawid papuntang City Proper dahil sa walang tigil na buhos ng ulan mula umaga hanggang hapon.
Ayos lang naman umano sa kanila ang mabasa sa byahe kapag papauwi na, ang kaso lamang sa kanila ay ang malakas na bagsak ng ulan sa umaga kung kailan papatawid at papasok palang sila sa kani-kanilang mga trabaho at eskwela.
Ang iba ay pinilit pa rin na mag-sapatos kahit alam na may tubig baha sa City Proper at ang iba naman ay doble rin ang naging paghahanda gaya ng mga estudyanteng hindi muna nagsuot ng kanilang mga uniporme at sa mismong eskwelahan na lamang magpapalit dahil baka raw mabasa sa byahe.

Maging mga manggagawa sa mga mall at private establishments, nagsusuot muna ng extrang damit at saka magpapalit kapag nakarating na sa kanilang mga trabaho.
Ayos na rin umano sa kanila bilang panangga ang malalaking uri ng plastic na ibinabalot nila sa kanilang sarili para magsilbing kapote.
Wala rin kasing saysay ang mga payong na dala nila dahil nagsisitalsikan naman ang ulan maging sa gilid gilid na parte ng motorboat lalo at tolda lamang ang nagsisilbing silong nila.
Hindi kasi umano maaaring balutin ng buo ng mga motorboat drivers ang kanilang mga bangka dahil hindi nila makikita ang direksyon na kanilang tinatahak lalo kung may mga nakikipagsabayan na mga maliliit na bangka patawid sa City Proper.
Sa ngayon, todo tiis muna ang mga pasahero lalo at may pasok na sa trabaho ang ilan at maging ilang Colleges at Universities ang nagdeklara na ng pagbabalik sa klase ng mga College Students. |ifmnews
Facebook Comments