Inaasahang magbabalik na sa kalsada ang mga motorcycle hailing services kapag nailabas na ng pamahalaan ang bagong guidelines sa muling pagpapatuloy ng pilot study.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon, inaprubahan na nila ang operational guidelines para sa motorcycle taxis para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero ngayong pandemya.
Importante aniya na mabigyan ng options ang mga mananakay sa public transport kasabay ng unti-unting pag-andar ng ekonomiya.
Nakapaloob sa guidelines ang mandatory na paggamit ng barriers sa pagitan ng rider at ng pasahero na aprubado ng NTF.
Requirement na rin para sa mga pasahero ang magdala ng sarili nitong helmet na may visor na magsisilbing face shield.
Ang mga motorcycle taxi ay kailangang magpatupad ng cashless transactions sa bawat biyahe bilang bahagi ng health at safety protocols.
Paalala naman ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante na ang mga biker ay kailangang may professional driver’s license.
Ang Technical Working Group ay nakatakdang magpulong ngayong linggo kasama ang mga motorcycle taxi operators tulad ng Angkas, JoyRide at Move It bago sila payagang magbalik ng operasyon.
Ang pagbabalik operasyon ng motorcycle taxis ay sakop ang Metro Manila, Cebu at Cagayan de Oro.