Manila, Philippines – Ikinadismaya ng ilang mga pasahero ang pagpapasara ng MMDA matapos na silbihan ng closure order kanina ang tatlong Bus na DLTB, Dimple Star at Roro Bus lines sa kahabaan ng EDSA, Santolan, QC dahil sa umano’y paglabag sa ‘Nose in, Nose Out’ policy at nag-o-operate ng walang kaukulang business permit.
Ayon kay Edwin Del Rosario, halos linggo-linggo ay umuuwi siya sa Lucena at malaking perwisyo umano sa kanya ang pagpapasara ng MMDA sa tatlong Bus Company.
Ang Roro-Bus terminal ay kinabibilangan ng DLTB, Lucena Lines, Raymond, Saint Rafael, Our Lady of Salvacion, Jam Liner, Victory Liner, Dimple Star, Superlines at ang Roro Bus Line na ang terminal ay nasa EDSA, Santolan, QC.
Ayon naman kay MMDA Chairman Danilo Lim, sa kabila ng mahigpit na ipinapatupad na Nose in Nose out policy ay patuloy pa rin nilalabag ng mga bus Company ang nasabing polisiya, na isa sa dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Kasabay nito’y inirekomenda ng MMDA na ipatigil ang operasyon ng nasabing mga bus terminal sa EDSA Santolan QC.
Kaugnay nito sinabi naman ni LTFRB Spokesperson at Board member Atty. Aileen Lizada na nagpadala na siya ng mga Bus sa Edsa upang alalayan ang mga pasahero na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.