Nangangamba ang karamihan ng mga pasahero sa Mandaluyong City makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 277 tricycle drivers.
Ayon sa mga pasahero, nag-aalangan silang sumakay ng tricycle at piniling maglakad na lamang upang maprotektahan ang kanilang mga kalusugan.
Dismayado naman ang mga tricycle driver sa naging hakbang ng mga pasahero dahil nabawasan umano pa lalo ang maliit nilang kinikita dahil sa takot na mahawaan ng nakamamatay na virus.
Napag-alaman sa Mandaluyong City na bumibiyahe ang mga tricyle ng tatlong beses sa isang linggo kung saan ang may mga asul na sticker ay maaaring pumasada ng Lunes, Miyerkules at Biyernes habang ang mga may dilaw na sticker ay Martes, Huwebes at Sabado.
Ayon kay Mandaluyong City Chief of Staff Jimmy Isidro, hahatiin ang schedule sa Linggo pero ito ay inaayos pa ng samahan ng mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Paliwanag ni Isidro, walang dapat na ipangamba ang publiko dahil sa ngayon umano ay naka-quarantine na ang mga driver na nagpositibo sa COVID-19 at patuloy na inoobserbahan.