Mga pasahero sa mga pantalan, bus terminal dagsa pa rin ngayong bisperas ng Pasko

Kahit bisperas na ng Pasko, mahigit 100,000 mga pasahero pa rin ang naitalang dumagsa sa mga pantalan sa buong bansa.

Sa pinakahuling datos ng Philippine Coast Guard, nasa 131,000 ang mga pasahero mula kaninang alas-6:00 ng umaga.

Nasa 66,254 dito ang outbound passengers habang 65,068 naman ang inbound.

Kaugnay nito, mahigpit naman ang ginagawang pag-iinspeksyon sa 500 barko at 663 na motorbanca para matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga pasahero.

Nananatili ring naka-heightened alert ang PCG na tatagal hanggang January 4, 2026 kasabay ng pagbabalik naman ng mga umuwi ng probinsya.

Samantala, may mga pailan-ilan pa ring mga humahabol sa mga bus terminal para makauwi sa kanilang mahal sa buhay ngayong Pasko.

Sa ilang terminal ng bus sa Maynila gaya ng Solid North, Sta. Monica Liner at Bataan Transit, daan-daang pasahero pa rin ang humabol ngayong bisperas.

Hanggang alas-9:00 naman mamayang gabi ang last trip para sa mga nabanggit na terminal sa Maynila.

Sa Victory Liner naman sa Sampaloc, nasa 600 ang mga pasaherong humabol ngayong maghapon kung saan karamihan ay chance passengers.

Alas-11:00 naman ng gabi ang kanilang last trip para ngayong December 24.

Facebook Comments