
Pumalo na sa mahigit 1.6 milyong pasahero ang gumamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX mula Disyembre 19 hanggang kahapon.
Ayon kay Jason Salvador, Head for Corporate Affairs ng PITX, ang pinakamataas na bilang ng mga mananakay ay naitala noong Disyembre 23, isang Martes, kung saan umabot sa 231,827 ang mga pasahero bago ang bisperas ng Pasko.
Sinundan ito kahapon, Biyernes, kung saan muling nakapagtala ng mataas na bilang ng biyahero na umabot sa 214,014.
Ani Salvador, karamihan sa mga pasaherong ito ay bumiyahe pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan para sa pagdiriwang at pagsalubong ng Bagong Taon.
Samantala, umabot naman sa 322 ang bilang ng mga ipinagbabawal na gamit na nakumpiska sa loob ng terminal.
Kabilang dito ang 27 butane, 5 thinner, 96 kutsilyo, 20 cutter, 35 gunting, 74 lighter, 10 sigarilyo, at 55 cutter blade.
Muling nagpaalala ang pamunuan ng pinakamalaking land port sa Pilipinas na magdala lamang ng magagaan at kinakailangang gamit upang maging ligtas at komportable ang biyahe.
Una na ring tiniyak ng PITX ang mahigpit na seguridad sa loob at labas ng terminal para sa kaayusan at maayos na pag-uwi ng mga pasahero.










