Mga pasaherong magbabakasyon sa Semana Santa, dagsa na sa mga terminal, pantalan, at paliparan; PNP, may paalala naman sa mga bakasyunista

Dumadagsa na sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan ang mga pasaherong magbabakasyon para sa Semana Santa.

Nabatid na ang ilang mga pasahero ay inagahan na ang pagluwas upang makaiwas sa siksikan.

Dahil dito ay inaasahan na ng mga pamunuan ng mga terminal at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na mas marami pang mga pasahero ang darating sa mga susunod na araw.


Tiniyak naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nakahanda sila sa pagdagsa ng mga pasahero sa NAIA na uuwi sa mga probinsya para sa Mahal na Araw.

Batay kasi sa datos ng MIAA noong pre-pandemic season, nasa 26,000 kada araw o 80% ang average daily volume na umuuwi sa mga probinsya kung kaya’t kahit dumagsa pa ang mga pasahero ngayong Lenten season ay handa silang i-accommodate ang mga ito.

Samantala, pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga bakasyunista na huwag i-post sa social media ang mga real-time na aktibidad upang hindi malaman ng mga masasamang loob na walang tao sa mga bahay nito.

Tiyakin ding naka-lock ang mga tahanan at walang appliances na naiwang nakasaksak upang hindi pagmulan ng sunog.

Facebook Comments