Mga pasaherong magsisipag-uwian sa kani-kanilang probinsya para sa Semana Santa, dagsa na

Manila, Philippines – Nagsimula nang dumagsa sa mga bus terminal ang mga pasaherong magsisipag-uwian sa kani-kanilang probinsya para sa Semana Santa.

Ayon sa QCPD Tourist Police Assistance Center – umabot na sa tatlo hanggang apat na libong mga pasahero ang dumagsa sa iba’t ibang terminal sa lungsod.

Inaasahang aabot sa higit 200-libo ang mga pasahero ang daragsa habang papalapit ang Lenten Season.


Kaugnay nito, mahigit 1,000 unit ng bus ang binigyan ng special permit ng LTFRB epektibo ngayong araw hanggang sa April 17.

Naglabas naman ng utos ang ahensya na nagbabawal sa pagmamaneho ng mga bus driver ng higit anim na oras kada biyahe kaya obligado na magkaroon sila ng kapalit para makaiwas sa aksidente.

Ang lalabag ay papatawan ng limang libong multa para sa unang paglabag; P10-libo at isang buwang suspensyon sa ikalawang paglabag; at dalawang buwang suspensyon sa ikatlong paglabag.

Samantala, nitong mga nakaraang araw, nagsimula na ring dumagsa sa mga pantalan at paliparan ang mga pasaherong magbabakasyon sa kanilang mga probinsya.
Nation”

Facebook Comments