Mga pasaherong maiiwan ng flight dahil sa mahabang proseso ng Immigration, maaaring magreklamo sa DOJ

Maaaring maghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) at sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biyaherong maiiwan sa kanilang flight dahil sa mahabang panayam ng Immigration officers.

Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, may 45-second limit para sa primary inspection at 15 minuto para sa secondary inspection.

Aniya, dapat tiyakin ng Bureau of Immigration (BI) na masusunod ang time limits upang makabiyahe nang nasa oras ang mga pasahero.


Babala ni Ty, bubusisiin ng DOJ ang mga ihahaing kaso at posibleng imbestigahan ang inirereklamong Immigration officer.

Matatandaang sa mga nakalipas na buwan ay ilang video ng biyaherong naiwan ng kanilang flights kasunod ng mahabang panayam sa airport ang nag-viral.

Nitong Martes lamang, inaprubahan ng IACAT ang revised departure guidelines para sa Pilipinong babiyahe sa labas ng bansa upang malabanan ang human trafficking.

Facebook Comments