Kakaunti na lamang ng mga umaalis na pasahero sa airport ang na-o-offload sa kanilang biyahe.
Ito ang nilinaw ni Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval sa Laging Handa briefing matapos ang reklamo ng isang pasahero na naiwan siya ng biyahe dahil hindi naipakita sa immigration officer ang hinanap na yearbook bilang patunay na college graduate ito.
Sinabi ni Sandoval na hindi totoong lahat ng pasahero ay sumasa ilalim sa secondary inspection katulad ng naranasan ng pasaherong ito.
Giit ni Sandoval, 0.06% lamang aniya ng kabuuang bilang ng mga pasahero kada araw ang nakararanas ng secondary inspection.
Karamihan aniya sa mga dahilan dito ay target na biktima ng human trafficking, illegal recruitment o ‘yong may mga pabago-bagong travel documents o kaya naman hindi tugma sa aktwal na sadya ng biyahe.
Pero sinabi ni Sandoval na kung ikaw ay isang turista na wala namang itinatago ay walang dapat ipag-alala.
Sinasanay aniya nila ang kanilang personnel at pinaaalalahanan na maging propesyunal sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang law enforcers.
Sa katunayan aniya, katatapos lamang nilang sanayin ang kanilang personnel kung papano ang tamang komunikasyon sa mga pasahero.