Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga pasaherong nakasama sa flight ng Pilipinong unang nakitaan ng bagong variant ng COVID-19 mula United Kingdom na makipag-ugnayan sa awtoridad.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tukoy na nila ang mga close contact ng 29-year old na pasyenteng lalaki na kasalukuyang naka-isolate sa isang pasilidad sa Quezon City.
Gayunman, ilan aniya sa mga pasaherong nakasabay niyang umuwi sa Pilipinas mula United Arab Emirates ang nire-reject ang tawag ng DOH.
Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para puntahan sila sa kanilang mga tahanan.
Samantala, bagama’t nakararanas ng mild symptoms ang pasyente, wala aniyang nakikitang dahilan ang DOH para ilipat siya sa ibang quarantine facility o ospital.
Giit ni Vergeire, mas mainam na hindi siya magpapalipat-lipat para matiyak na wala nang mangyayaring transmission ng COVID-19 UK variant.