Dagsa na sa mga terminal ng bus ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya, dalawang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), maaga pa lamang ay mahaba na ang pila ng mga pasahero na karamihan ay uuwi sa Cavite, Laguna, Batangas, Bicol, Mindoro at Romblon.
Ayon kay PITX Spokesperson Jason Salvador, hindi bababa sa 80,000 hanggang 90,000 pasahero ang inaasahan nilang dadagsa sa terminal hanggang bukas.
Aniya, December 23 nang maitala nila ang pinakamaraming pasahero sa PITX na umabot sa 125,000.
Aminado naman si Salvador na nahihirapan silang ipatupad ang social distancing dahil sa dami ng mga pasahero.
Dahil dito, nagdagdag na sila ng mga tauhan na tinawag nilang COVID-19 Safety Ambassadors na makakatuwang ng mga pulis sa pagbabantay, pag-iikot at pagpapaalala sa mga pasahero na sumunod sa minimum public health protocols.
Kasabay nito, tiniyak din ni Salvador na sapat ang bilang ng bus para sa dami ng mga pasaherong magsisiuwian sa kanilang mga probinsya.
Sa Linggo o Lunes naman inaasahang dadagsa ulit sa PITX ang mga pasaherong pabalik sa Metro Manila matapos ang kanilang bakasyon.