Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lahat ng salon at barbershop na hindi susunod sa mga patakaran sa ilalim ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan Act to Heal as One Law.
Sa kanyang paglilibot sa lungsod ng Marikina, sinabi ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo na irerekomenda nilang ipasara ang isang pasaway na establisyemento.
Gayunpaman, ikinatuwa ng opisyal na lahat ng mga barbershop at salon na kanilang isinailalim sa inspection ay nagkukusang mag-comply sa ipinatutupad na mga health protocols.
Pasado sa DTI ang Edwin Izur Parlor na matatagpuan sa JP Rizal Street Brgy. Calumpang, Marikina dahil bukod sa nakasuot ng ‘cover-all’ suit na Personal Protective Equipment (PPE), ang mga hairdresser ay hindi rin direktang iniaabot ang bayad at sukli ng mga kostumer kundi inilalagay muna sa isang plastic tray saka isinasailalim sa disinfection.
Napansin lang ng opisyal na walang markings ang mga upuan ng nabanggit na salon kaya’t irekomenda nitong maglagay sa pagitan ng bawat naghihintay na kostumer at masunod ang social distancing.
Kontento din si Castelo sa ipinatutupad na health protocol ng David’s Salon at Bruno’s Barbershop na ininspeksyon sa loob ng Ayala Mall sa Marikina City.
Kung sakali man aniya na may lalabag sa mga patakaran, hinikayat nito ang publiko na magsumbong sa DTI Hotline 134 o kaya ay sa Social Media Account ng ahensya.
Paliwanag ni Castelo, bukod sa sampung libong piso hanggang isang milyong multa na ipapataw, maari ding makulong ng hanggang dalawang buwan at posibleng maipasara ang sinumang salon at barbershop na lalabag sa ipinatutupad na health protocols.