Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nararanasan na ngayon ang malakas na pag-ulan at pabugso-bugsong hangin sa Northern Luzon.
Kaugnay ito ng pagtama ngayong hapon ng Bagyong Marce sa Hilagang Luzon.
Tiniyak naman ng CAAP na intact at naka-secure na ang equipments at mga pasilidad sa mga paliparan sa rehiyon.
Partikular sa mga paliparan sa Cauayan, Basco, Laoag, Palanan at Tuguegarao.
Sa ngayon, anim na commercial flights na ang kanselado matapos ikansela ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ang kanilang flights sa naturang mga destinasyon.
Mahigit isang libo namang mga pasahero ang apektado ng flight cancellations.
Kanselado rin ang local flights sa Northern Luzon kabilang na ang patungo ng coastal areas.
Sa kabila nito, tiniyak ng CAAP na nananatiling operational ang mga airport sa nasabing rehiyon.