
Ligtas nang nakabalik ang mga pasyente sa loob ng tatlong Department of Health (DOH) hospitals sa Davao Region matapos ang 7.4 magnitude na lindol.
Matatandaang pansamantalang inilipat kahapon sa mga temporary tents sa triage at evacuation areas ang mga pasyente ng DOH-Davao Regional Medical Center (DOH-DRMC), DOH-Davao Occidental General Hospital (DOH-DOGH), at DOH-Southern Philippines Medical Center (DOH-SPMC) bilang bahagi ng standard safety protocols habang isinasagawa ang Structural Integrity Assessment sa mga gusali.
Ilang estudyante rin ang itinakbo sa DOH-DRMC at isang pasyente ang ligtas na nanganak sa evacuation area ng ospital.
Ligtas ang ang mahigit 600 pasyente ng nasabing ospital.
Sa DOH-DOGH, mabilis ding nailikas ang mga pasyente papunta sa triage at isolation areas.
Nagtayo rin ng mga tents at ginamit ang outpatient department bilang pansamantalang ward kung saan ilang volunteers ang agad na tumulong para sa maayos at ligtas na paglikas habang agad na inihanda ang mga generator sets sa DOH-SPMC.
Nagpapatuloy ngayong araw ang Rapid Assessment ng DOH sa buong Davao region at patuloy na nakaantabay ang mga DOH Hospital, katuwang ang mga healthcare workers at health emergency teams sa pagtugon sa anumang karagdagang medical emergencies.









