Mga pasyenteng may sintomas ng Leptospirosis, pinayuhan ng DOH na huwag munang dalhin sa NKTI

Patuloy na naghahanda ang Department of Health (DOH) sa inaasahang pagsipa pa ng mga kaso ng leptospirosis matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina na pinalakas ng Habagat.

Ayon sa DOH, sa ngayon ay ginagamot sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang ilang kumpirmado na at probable pa lang na kaso ng leptospirosis.

Pero para anila maging maayos ang gamutan ay pinapayuhan ng kagawaran ang mga doctor at mga pasyenteng posibleng may leptospirosis na lumipat sa ibang ospital.


Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 67 pa lang ang naitatalang kaso ng leptospirosis mula July 14 hanggang July 27.

Pero asahan na raw ang pagdami ng mga kaso dahil sa mga delayed na report mula sa iba’t ibang lugar at dahil sa incubation period ng sakit na aabot ng isang buwan.

Sa kabuuan o mula noong pumasok ang taon, nasa 1,444 ang leptospirosis cases sa bansa na 42 percent na mas mababa kumpara sa 2,505 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Nasa 162 naman ang nasawi dahil sa leptospirosis hanggang bago pumasok ang buwan ng Agosto.

Wala namang binanggit ang DOH kung overcapacity na ang NKTI sa mga pasyente ng leptospirosis.

Facebook Comments