Idinetalye na ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) ang mga patakaran sa pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes.
Kaugnay ito ng pilot implementation ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababa o di kaya ay wala nang kaso ng COVID-19.
Nakapaloob sa panuntunan na hindi dapat lumagpas sa 3 oras ang klase para sa Kindergarten at 4.5 oras para sa Grade 1-3 at Senior High School.
Kailangan ding bakunado ang mga guro na magtuturo sa mga estudyante at mahigpit na paiiralin ang physical distancing.
Para sa Kindergarten, 12 lamang ang papayagan na makapag-aral sa loob ng classroom, 16 sa Grades 1 hanggang 3.
20 naman ang maximum na estudyante para sa classroom session ng Senior High School.
Limitado lamang sa 2 buwan ang pilot testing ng face-to-face classes na magiging salitan at tig-isang linggo ang face-to-face at distance learning.
Kailangan din ng pahintulot ng mga magulang ng mga batang lalahok sa face-to-face classes.