Mga patutsada ni VP Sara Duterte laban kay PBBM, inakalang artificial intelligence ng isang senador; mga pahayag ng vp, tinawag din na “unusual” at “strange”

Inakala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel noong una na artificial intelligence o AI ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Bongbong Marcos at sa administrasyon nito.

Ayon kay Pimentel, nagtaka siya noong una kung totoo o hindi ang mga pahayag ni VP Sara at kinailangan pa niyang ipa-double check ito para matiyak na hindi ito ginamitan ng artificial intelligence technology.

Tinawag ni Pimentel na “unusual” o “strange” ang mga sinabi ng bise presidente dahil bilang isang public official ay hindi mo basta ilalabas sa isang pormal na press conference ang mga ganitong uri ng pahayag.


Bagama’t hindi naman pinanood ng buo ng senador ang presscon ni VP Duterte, partikular na ikinabigla niya rito ang banta na tanggalan ng ulo si Pangulong Bongbong Marcos at ang paghuhukay at pagtatapon sa bangkay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa West Philippine Sea (WPS).

Naunang sinabi ni Pimentel na nagaalala na siya para kay VP Sara dahil sa mga hindi karaniwang sinasabi nito at inirekomenda na magpatingin na ang pangalawang pangulo sa isang medical professional o kaya ay kausapin na ng pamilya, mga kamag-anak o kaibigan upang mailabas niya ng husto ang kanyang mga saloobin o damdamin.

Facebook Comments