Mga PDL na 70-anyos pataas, pinag-aaralan ng BuCor na mabigyan ng parole

Pinag-aaralan ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang posibilidad na mabigyan ng executive clemency ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na edad 70-anyos pataas.

Ayon kay BuCor officer-in-charge General Gregorio Catapang Jr., ang hakbang ay bahagi ng decongestion process ng mga kulungan nito.

Aniya, ginawa na ito noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng isang executive order.


Base sa resolusyon ng Board of Pardons and Parole (BPP), eligible para sa parole o executive clemency ang mga PDL na 65-anyos pataas; nakapagsilbi na ng hindi bababa sa limang taong sentensya; o ang pagkakakulong ay makasasama sa kanilang kalusugan batay sa rekomendasyon ng doktor ng BuCor Hospital at sinertipikahan ng Department of Health o itinalaga ng Macalañang Clinic Doctor.

Habang hindi sakop nito ang mga nakulong dahil sa heinous crimes o illegal drugs-related offenses o itinuturing na “high risk” ng BuCor

Nabatid na prayoridad ni Justice Secretary Boying Remulla ang decongestion ng mga kulungang pinangangasiwaan ng BuCor gaya ng New Bilibid Prison na mayroon nang 300% na congestion rate.

Pinag-aaralan din ng kalihim ang paglilipat ng maximum security ng Bilibid sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro at ang minimum security sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Facebook Comments