Pinapaimbestigahan ni Senator Jinggoy Estrada ang paglaganap ng mga pekeng online advertisements ng mga pagkain, gamot, at health products na hindi rehistrado at gumagamit pa ng mga mukha at pangalan ng mga sikat na personalities.
Sa Senate Resolution 666 na inihain ni Estrada, inaatasan nito ang kaukulang komite sa Senado na siyasatin ang mga mapanlinlang na advertisement posts sa social media para sa mga produktong ibinebenta online na hindi naman rehistrado.
Nakasaad sa resolusyon na sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines, isang paglabag sa batas ang pagkakalat ng hindi totoo, mapanlinlang, at misleading na patalastas o anunsyo gamit ang Philippine mail o komersyo tulad ng dyaryo, radyo, telebisyon, outdoor advertisement o iba pang medium na ang layunin ay makapanghimok sa mga consumers na tangkilikin o bilhin ang isang produkto o serbisyo.
Binanggit sa resolusyon ang ilang kilalang personalidad sa bansa na ginamit ang pangalan at mga larawan para sa mga pekeng advertisements at endorsements tulad nina Dr. Tony Leachon, Dr. Willie Ong, Dr. Liza Ong, at mga kilalang artista tulad ni Sharon Cuneta at Kris Aquino.
Nababahala si Estrada dahil kumakalat at agad na napapaniwala ang publiko sa ganitong mga maling impormasyon at nakasalalay dito ang kaligtasan ng kalusugan ng mga tao lalo na kung ito ay pagkain, gamot at mga health supplements.
Hiniling ng mambabatas ang agad na pagsilip sa ganitong kumakalat na modus sa social media at umapela sa pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang probisyon ng Consumer Act at pag-regulate sa mga mapanlinlang na advertisements sa social media platform.