Hindi apektado ang mga kasalukuyang pensyonado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa isinusulong na bagong Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system sa lehislatura.
Ito ang nilinaw ni Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong, batay na rin sa pahayag ni Department of Finance (DOF) Spokesperson Director Valery Joy Brion.
Sa paliwanag ni Brion, kung maipasa ang hakbang, ang bagong pension system ay mag-a-apply lang sa mga bagong pasok sa AFP matapos itong maisabatas.
Habang mananatili sa ilalim ng kasalukuyang pension system ang mga kasalukuyang miyembro ng AFP.
Kabilang sa mga pagkakaiba ng bagong pension system ang mandatory contributions ng mga miyembro, at ang pamamahala ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pension fund ng mga retiradong miyembro ng AFP.
Binigyang-diin ni Andolong na kailangang magpatupad ng pagbabago sa pension system ng AFP, dahil ang kasalukuyang systema ay may ₱9.6 trillion halaga ng “unfunded pension liabilities” na lalong lalaki kung magpapatuloy ang kasalukuyang sistema.