Inilatag ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga dokumento na lalong nagpapatibay sa koneksyon ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa POGO Hub sa Bamban, Tarlac.
Sa mga nakalap na dokumento ni Gatchalian, mula 2018 hanggang 2024 ay pumasok sa mga bank accounts ni Guo ang mahigit P5 billion.
Tumutugma aniya ito sa mga taon kung kailan itinatayo ang POGO sa Bamban mula taong 2020.
Batay sa ebidensya, P1.9 billion na cash at tseke ang pumasok sa bank account ni Guo, mahigit P3 billion sa kompanyang QJJ Farm, mahigit P531 million sa QJJ Embroidery at halos P280 million sa kompanya pa nitong QSeeds.
Mula sa mga accounts din ay naglabas si Guo ng tseke na nagkakahalaga ng P1.11 billion mula 2018 hanggang 2024 na mga taon ng konstruksyon ng POGO.
Naikonekta rin ang paglalabas ni Guo ng milyon-milyong piso para sa supplier at construction company na hinihinalang nagtayo ng POGO Hub.
Sa kabilang banda, hindi naman malinaw sa senador kung kanino galing o sino ang nagbibigay ng ganung kalaking halaga kay Guo.